KAPATID KAY CRISTO
2 days ago
Isang magandang araw po; Paki tulungan po ako maiintindihan ang aking naging panaginip salamat po. Mahal ko po ang Iglesia Ni Cristo dahil ito po ang relihiyong akin kinamulatan. Meron mga aral na mahirap tanggapin, subalit kung imumulat lang po natin ang ating isipan at puso ay lubusan po tayong malilinawan. Binasa ko po at inunawa lahat ng mga sagot at argumento po niyo na pumapa-tungkol sa nagaganap na katiwalian sa loob ng IGLESIA. Nakakapangilabot at nakakabahala po ang mga nangyayari. Subalit nilinaw po sa Biblia na ang mga bagay na ito ay magaganap at nagbibigay palatandaan na malapit na talaga ang wakas nating mga tao.
Sa aking panaginip; Pumasok po ako sa isang lagusan na madilim at lumabas po sa isang lugar na sobrang liwanag, napansin ko po na meron isang bagay na tinatayo sa aking harapan, ng mga taong maytakip ang mga mukha, na parang sumisimbulo sa isang templo. Subalit nang aking titigan ng mabuti, ang pinaka-pundasyon at haligi ng templo ay gawa sa “IBA’T-IBANG PARTE NG KATAWAN NG TAO NA INAYOS AT ISINALANSAN NG MABUTI” hindi po ako nakaramdam ng takot o pangamba, bagkos pagtataka ang nangibabaw sa akin. Marahang umatras po ako sa aking kinakatayuan at naglakad palayo po sa kung saan.
Kung kaya po ninyo ipaliwanag ay mainam po iyon Maraming salamat po.
————————————————————————————————–
Kapatid ko sa Pananampalataya,
Salamat sa pagmamahal mo sa pananampalatayang ating kinagisnan ang pagiging “IGLESIA NI CRISTO”. Lubhang napaka-hiwaga ang pagiging IGLESIA NI CRISTO natin, palibhasa batbat ito ng hula na pawang nakasulat sa Biblia. Kaya nga yamang natagpuan na natin ang katotohanang ito na narito lang talaga ang tunay na kaligtasan ng ating kaluluwa, ay manghawak na tayo sa pananampalatayang ito, na gagabay sa atin para makarating naman tayo sa pinaka-inaasam-asam natin na Bayang Banal kapag naitaguyod natin ang pagka-IGLESIA NI CRISTO natin.
Kaya anuman ang mangyari sa loob ng IGLESIA, ay huwag nawang isipin, na ang nagkakasala ay ang kabuuan. Ang totoo maliit lang na bilang ang mga tiwaling nasa Sanggunian at mga kasama nila na nagtataguyod ng masasama nilang gawain. Kaya nga lang sila ang nagpapatupad ng mga tuntuning gusto nilang ipasunod sa atin na pansariling pakinabang ang nangingibabaw. Kaya Kapatid ko ikaw na sumasampalataya sa mabuti magpatuloy ka at sila ay hindi sumasampalataya dahil sa paggawa ng masama sana ay mamulat na at magbago na. Kaya nga sabi sa Biblia anong pakikisama mayron sa sumasampalataya sa hindi sumasampalataya? Kaya hintayin lang natin kung anong pagpapasya ng Panginoong Diyos natin para sa kanila. Kaya nga maliit na bilang lang sila. Paki-unawa ang paghahalimbawa natin sa pinatutungkulan. Para kang tumingala sa langit… nakita mo ang kaulapan sa tingkad na kaputian at liwanag. Ngunit sa kaputian naman ay kitang-kita ang ibang bahagi na nagkukumpulang maiitim na ulap. Hindi rin naman kasi magtatagal, magiging ulan (susubukin) din sila…. Alam mo ba kahit ubod na ng tayog ng kanilang kinalalagyan? Babagsak din sila sa lupa. Kaya kapag nagpakasama ang mga nasa magagandang kalalagayan, hindi rin sila magtatagal, aalisin din sila doon. Ganyan ang mangyayari sa panig ng masama! Ngunit sa panig naman ng mabuti at nagpapakabuti, ulap kang maputi, may dala mang ulan (pagsubok), gaano man kabigat (katagal) aalisin din sa’yo ang nagpapabigat na ulan.
Kaya nga ang mamalagi at mananatiling naroon, yaong may matitingkad na kaputian na naglalarawan sa kabanalan. Dahil diyan makatitiyak na, laging malapit sa langit sa tahanan ng Panginoon Diyos natin mahal. Kapag tumawag ka at naglambing sa Panginoong Jesu-Cristo din na ating mahal, ang pag-ibig Nila sayo lagi mong mararamdaman. Parang hangin madarama mo, malamig na dadampi sa buo mong katauhan. Yun ang pagkakataong niyakap ka Nila ng buong pagmamahal. (Ikaw Kapatid ko na bumabasa nito manalangin ka ngayon naghihintay lang Sila sayo .. saglit lang na gawin mo, huwag palampasin sayong kinaroroonan, nakatunghay Sila sayo kapatid ko. May ipaglalambing ka ba? Simulan muna! Saka ipagpatuloy ang pagbasa nito.)
Sa bahagi na tayo ng iyong panaginip. Laging unawain bagamat ikaw ang naroroon sa panaginip, higit ang mga nasa Templo ang nilalarawan dito. Ngunit dahil ikaw ang pinahintulot. Ikaw ang kumakatawan lamang sa kanila para mabigyan ng paglalarawan ang kasalukuyang nagaganap ngayon doon. Ikaw ay pumasok sa makipot na pintuan madilim pa ang dala mong pag-asa noon .. palibhasa dala ng mga masusuliraning tagpo ng buhay. Ngunit nagliwanag din ng matapos ang pagsubok sa buhay. Maliwanag na maliwanag dahil ikaw ay nasa loob ng IGLESIA NI CRISTO. Nang nasa loob ka na dahil sayong pagiging mausisa, ay ipinakita sayo kung ano ang kasalukuyang kalalagayan sa Templo. Sila ang mga pilit na itinatago ang tunay nilang pagkatao ngunit hayag sa gawa na bilad na sa maraming kapatid. (syempre sa sarili nilang kasambahay na wala lang magawang hakbang dahil na rin sa mga pagbabanta na kinatatakot nila at kahihiyang idudulot na rin sa panig ng mga nakakakilala sa kanila). Kaya nga sa paglalarawan ay naging mapagsiyasat ka naging mapagmasid sa mga nakikita mo sa Templo na ang ginagamit na nilang pinaka-pundasyon ay gawa sa “IBA’T-IBANG PARTE NG KATAWAN NG TAO NA INAYOS AT ISINALANSAN NG MABUTI”. Ito ay kumakatawan sa IBA’T-IBANG PARTE NG KABUHAYAN NG MGA KAPATID GAMIT ANG FOUNDATION, na kanila na ring kinukuha sa pamamagitan na rin ng daya. Daya kasi ayaw nilang pakita ang kanilang mga mukha habang sinasalansan nila ito ng mabuti. Kaya nga dahil hindi ka natakot sa kanilang pinaggagawa dahil sa alam mong mga kapatid din sila sa pagkakataong yaon na nasa Templo. At ang kasunod na paglalarawan …kita mo na ganun na ang kanilang pinaggagawa kaya yung dati mong kusang-loob na tulong .. ay umatras o umurong na sa dating malaki na naibabahagi mo. Umurong na rin ang pagtupad mo kaya nagpatuloy ka lang sa paglakad. Paalaala patungkol sa huling bahagi: (Marahang umatras po ako sa aking kinakatayuan at naglakad palayo po sa kung saan..) Tiyakin na ikaw ay magpapatuloy sa paglakad na alam mong tiyak kung saan papatungo tiyakin nasa panig pa rin ng pagiging IGLESIA NI CRISTO.
Maging matibay ang ating pag-asa. Maging matatag sa pagdadala ng pagka-IGLESIA NI CRISTO at paka-talino tayo sa pagpapasya ng ating ganap na maitaguyod ang ating paglilingkod, hanggang sa dako pa roon ng ating buhay! Matatapos din ang lahat! Pinahintulot na mangyari ang mga kaganapang ito para sa paglilinis, upang lumitaw kung sino ang mga masasamang kasamahan na binabanggit ng ating Panginoon na dapat maalis at mapagkilanlan ang mga nasa matataas na kalalagayan, na gumagawa ng mga paglabag at nagpapakasama. Ang mga nasa mababang kalagayan naman na nagpatuloy doon sa paggawa ng mabuti ay mailulugar na sila sa kung saan sila ibig ng Panginoong Diyos na mailagay. Basbas at pagpapala suma-atin nawang lahat, lakip ang pag-ibig at pagmamahal Nila sa atin!