SA PANIG NG NAGTATANONG KAY KAPATID NA ELIAS ARKANGHEL…
Kung bakit iniudyok ang pagpapahayag patungkol dito. Sapagkat may sumusubok sa kakayahan sa kumakatawan kay kapatid na Elias Arkanghel. Ibig ng nagtatanong mapatunayan kung totoong may pagkasi ng Banal na Espiritu sa kapatid na Elias Arkanghel. Ngunit walang pagkakakilanlan kahit pakunwaring pangalan sa nagtatanong. Kapatid hindi ka man nagpakilala ngunit batid ng ating PANGINOONG DIYOS at ng ating Panginoong Jesu-Cristo kung sino ka na nagtatanong. Walang masama sa nagtatanong. Maganda nga para mapalawak ang ating kaalaman kung ang layunin naman natin ay matuto at hindi ilagay sa kahihiyan ang tinatanong.
Lamang kung may iba kang iniisip at binabalak sayong pagtatanong hahayaang kong ipabasa muna sayo ang dalawang talata ng Banal na Kasulatan. Sapagkat hindi ka nagpakilala kahit sa alyas man lang! Paano ko malalaman kung naunawaan mo ang isasagot sayo. Kaya nga gaya ng nabanggit ko sa itaas na bahagi ng aking ipinahayag, ay ipinauubaya kuna sa PANGINOONG DIYOS at sa ating Panginoong Jesu-Cristo ang pagpapasya sayo. Kaya para naman sa mga susunod mong pagtatanong ay taglayin muna ang mas marapat na layunin na dapat nagtataglay ng Banal na takot para magkaroon ka lagi ng Banal na layunin kapag ginagamit mo ang mga talata ng BIBLIA sa pagtatanong. Narito mahal kong kapatid ang Pag-ibig sayo ng PANGINOONG DIYOS na kailangan mong maunawaan.
HEBREO 4 : 12 Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila’y may talim. Ito’y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao. 13 Walang makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo mananagot.
Hindi ba’t nakakatakot kapatid, kung ibang layunin mo sa paggamit ng Salita ng ating PANGINOONG DIYOS? Kaya nga nagsisilbing pagpapaalala na rin ito sa mga Tiwaling Sanggunian, mga ministro na sa kanila ay sunud-sunuran o maging sa sinuman na indibidwal na hindi nagiging maingat sa paggamit ng mga Salita ng ating PANGINOONG DIYOS lalo na sa mga walang takot na gamitin ito para sa pansariling kapakinabangan lamang gamit ang Banal na Tribuna. Sapagka’t gaya ng sinabi sa talata ang Salita ng ating PANGINOONG DIYOS ay buhay at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila’y may talim.. Baka masilo at mahulog sa sariling pagka-unawa ang iba ay mauwi sa kamalian. Na kung hindi maiingatan at nagsasariling kalooban ay kanino mananagot kung mapahamak ang buong Kawan? Gaya ng sinabi sa sinipi nating talata, sa PANGINOONG DIYOS mismo. Dahil ihahayag at ilalantad sila ng ating DAKILANG AMANG BANAL.
Ngunit huwag kang matakot kung malinis naman ang layunin mo. Salamat sapagkat magbibigay daan ang iyong pagtatanong para sa karagdagang kaalaman at kaunawaan. Sapagkat hindi lamang sa panig mo, kundi maging sa mga kapatid at hindi kapatid na sumusubaybay sa Blog ng IGLESIA NI CRISTO … kung saan ngayon lalong tumitibay at lumalakas ang pananampalataya ng mga tunay at tapat na mga HINIRANG na nanghahawak sa mga Katotohanang ipinahahanay sa atin ng DAKILANG AMANG BANAL sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na iniudyok sa atin sa patnubay at paggabay ng Banal na Espiritu.
Ngunit bago ang lahat ay may maikling pagpapakilala ang kapatid na Elias Arkanghel. Hindi ito ang tunay kong pangalan. Kasamang ipinahintulot na ang pangalang Elias Arkanghel ang gamitin upang may pagkakakilanlan ayon sa gagampanang tungkulin. Ipinababatid din na hindi kailanman nag-guro sa Pagsamba ng Kabataan, hindi rin nakatuntong sa Kolehiyo sa Ministeryo, kaya, hindi nabibilang na ministro o galing sa isang samahan na nag-aaral ng mga kasulatan patungkol sa BIBLIA, kahit bago pa man ako nag-Iglesia ni Cristo. Sapagkat handog akong Iglesia ni Cristo na hanggang ngayon kasalukuyang aktibong kapatid sa Lokal na aking kinatatalaan. Kaya ipinagpapauna kuna sayo, wala akong sariling galing, sariling kaisipan o anupamang katangiang maipagmamalaki sa inyo para ako ay kilalanin ninyo. Napakarami ngayong mangangaral at ang iba nga ay may pag-angkin pang itinuturo na sila di umano ang pinatutungkulan na binabanggit. Ngunit hindi gayun sayong kapatid na Elias Arkanghel. Paulit-ulit kunang ipinahayag na ako ay napahintulutan lamang. Uulitin ko ako ay napahintulutan lamang “SAPAGKAT MAY NAKAHIHIGIT SA AKIN.” Kaya hinihiling ko na ibalik ninyo ang lahat ng Kapurihan at Kaluwalhatian sa ating DAKILANG PANGINOONG DIYOS at sa ating mahal na Panginoong Jesu-Cristo anuman ang maging resulta ng ating mga ginagawang paghahanay.
Ngayon sa kapahintulutan muli ng DAKILANG AMANG BANAL sa pamamagitan pa rin ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa muling pagsama at paggabay ng Banal na Espiritu tayo ay pinahihintulutan na mangag-aaralan sa isa’t-isa gaya ng ibinilin sa atin. Bibigyang linaw ang iyong pang-unawa sa mga pahayag ng ating PANGINOONG DIYOS tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo . Ngunit bago ang lahat, ay basahin muli natin ang hinanay mong sulat na nakalakip ang iyong mga katanungan.
Magandang gabi po Elias Arkanghel, ginagawa niyo ito dahil inuudyukan kayo ng Espiritu Santo, ngayon ay susubukin ko po kung talagang tunay na sumasaiyo ang Espiritu Santo, may tanong lng nmn ako, isang talata lng, kung maipaliwanag niyong mabuti ay baka nga tunay kayo.
Ang tanong ko ay tungkol sa HEBREO 1:10 dahil ang nagsasalita sa talatang ito ay ang Ama, patungkol yan sa Anak, tama ba ang pagkasabi ni Apostol Pablo dito? Dahil kung tamang salin ang talatang ito ay kokontrahin nito ang nakasulat sa ISAIAS 44:24 na ang Ama lamng ang gumawa ng lahat ng mga bagay, pero sa hebreo 1:10 ay sinabi ng Ama na ang Anak ang gumawa ng langit at lupa, magkakontrahan diba, paano niyo po ito ipaliliwanag? Tamang salin po ba ang nasa lahat ng salin ngayon sa hebreo 1:10? kung maling salin ito ay anong translation ng bibliya na hindi ganito ang nakasulat? Ano ang tamang paliwanag para hindi makontra ang Isaiah 44:24?
Ang sagot niyo ay doon ko malalaman kung talagang may udyok kayo ng Espiritu Santo.
Tnx..
Elias Arkanghel, Magandang hapon, kayo po ay nagpapakilala dito sa internet tungkol sa kaganapan sa Iglesia ni Cristo, ngayon susubukan ko po kung talagang magaling nga po kayong magpaliwanag, kasi ang sabi niyo ay nauudyukan kayo ng Espiritu Santo, may tanong po ako sa inyo at kung maayos ang inyong sagot ay baka nga totoo ang pagpapakilala mo sa iyong sarili ,.
Tungkol po sa nakasulat sa HEBREO 1:10 diba ang nagsasalita sa talatang yan ay ang Dios Ama? at patungkol sa Anak ang sinasabi, ibig bang sabihin ay MANLALALANG ang Anak dahil sabi ng verse ay ..
“At, Ikaw, Panginoon, nang pasimula’y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa, At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay. “(Hebreo 1:10)
Ang Ama ang nagsasalita sa verse na ito patungkol sa Anak, ngayon, kung tamang salin ang talatang ito dahil sa halos lahat ng translation ng bibliya ngayon ay ganiyan ang nakasulat, diba kokontrahin nito ang sinasabi ng Dios sa Isaias 44:24 na MAG-ISA LAMANG SIYA NA LUMALANG NG LAHAT NG BAGAY?
Na ang ibig sabihin ay walang katulong ang Dios sa paglikha ng lahat ng bagay, pero bakit sa Hebreo 1:10 ay sinabi ng Dios na ang Anak ang lumalang ng lahat ng bagay? At ang nakasulat sa Hebreo 1:10 ay kinuha ni Apostol Pablo sa AWIT 102:25-27.
TANONG :
1.) Tamang salin po ba ng talata ang nakasulat sa Hebreo 1:10? Kung tamang salin ay, maliwanag na sasalungatin nga ng talatang ito ang sinasabi ng Dios mismo sa Isaias 44:24.
2.) Kung maling salin naman ay ANO ANG TAMANG PALIWANAG SA TALATANG YAN UPANG HINDI MASALUNGAT ang nakasulat sa Isaias 44:24?
Maraming talata sa Bibliya na nagpapatunay na ang Ama lamang ang lumalang ng lahat ng mga bagay, at ang isa sa pinakaklarong verse ay ang nakasulat sa Isaias 44:24,.
Ito po ang aking pagsubok na tanong po sa inyo, dito ko malalaman kung talagang inuudyukan kayo ng Banal na Espiritu Santo, antayin ko po ang inyong sagot.
Magandang umaga sa lahat. Narito ang sagot na hindi mula sa akin. Sa tulong ng DAKILANG AMANG BANAL sa pamamagitan pa rin ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa patnubay at paggabay ng Banal na Espiritu muling ibinigay.
SAGOT: Hindi ako dalubhasa o may kahusayan sa pagtukoy kung ang Banal na Kasulatan na ginagamit natin kung saan mababasa ang mga hanay ng talata na iyong tinatanong ay tama bang salin o may pagkakamali.
Ngunit ibinigay naman sa atin ng AMANG BANAL ang pagkaunawa sa talatang itinatanong mo. Ang itinatanong mo kapatid ay patungkol sa talatang nakasulat sa Hebreo 1:10.
Hindi na tayo lalayo sa mga talata na kasama ng Hebreo 1:10 Kaya naman, sapat na ang isang pahina ng aklat ng HEBREO 1 ang pagmumulan din ng sagot sa iyong katanungan, bagamat nagsitas ka pa ng ilang talata. Huwag nating ipagkamali na waring sa pagtatanong mo ay gusto mong palitawin na nasa HEBREO 1:10 na ang Panginoong binabanggit ay ang Panginoong Jesu-Cristo? At Siya na rin ang Panginoong Jesu-Cristo ang iniisip mo na Panginoon na sa pasimula ay naglagay ng kinasasaligan sa lupa? At ang mga langit na gawa ng Kanyang mga kamay ayon sa iniisip mo ang Panginoong Jesu-Cristo rin yun? Bagamat nagtatanong ka! Kaya nga tinitiyak ng Banal na Espiritu na tama ang nakasulat sa talata. Alin ang mali? Ang iniisip mo na bagamat patungkol sa Anak ang sinasabi ay nagkaroon ka ng sariling kongklusyon o sariling pang-unawa para mapalitaw mo na mali ang pagkakasalin sa talata sa nakasulat sa HEBREO 1:10 na kung hanggang ngayon ay dala-dala mo ito sayong pag-iisip tama lang ang iniudyok sa atin ng Banal na Espiritung pagtatanong ng ating mahal na Panginoong Jesu-Cristo na “HANGGANG KAILAN PA NINYO AKO PANINIWALAAN? HANGGANG NGAYON MAY PAG-AALINLANGAN PA RIN KAYO SA AKIN. KAILAN KAYO MATUTUTO?”
Kaya para maisaayos ang iyong kaisipan hayaan mong ang pagtutuwid ay magmula sa ating PANGINOONG DIYOS para sayong iniisip at damdamin. Kaya huwag mong ipagdaramdam kapatid ko sa halip ang kabababaang-loob at hinahon yan ang maghari ngayon sayong puso para magaan ang pagtanggap mo sa pagpapayo na mula sa ating PANGINOONG DIYOS. Ngayon, kabahaging maitutuwid yaong may katulad ng pagtatanong sayong itinatanong, lalo na sa panig ng mga nakapalitan mo ng pakikipag-diskusyon sa talatang nabanggit para mabigyan daan lamang ang ayon sa inyong pagkaunawa na mali ang salin sa Hebreo 1:10 na tumatak sa isipan ng mga nakausap mo, kaya pawang mga nangalito na rin ang iba, lalo na nga at hindi nasagot ng maayos ang iniwan mong tanong na naging kalituhan sa kanila. Dahil diyan anong pananampalatayang mayroon ngayon sila sa talatang HEBREO 1:10 bunga ng iyong pagtatanong?
Gaya ng ating ipinahayag hindi na tayo lalayo sa isang pahina pa lang ng Hebreo kung saan naroon din ang talata na masasagot na ang iyong katanungan. Kapatid uunawain na lang natin ang pagkasunud-sunod ng mga talata kaya natin sinipi ang unang pahina ng aklat ng Hebreo. Dahil sa mga hanay na mga pahayag sa kabuuan ng isang pahina ay mapatutunayan nating mali ang iniisip mo at hindi ang salin ng talata. Kaya nga napuna mo rin marahil sa halos lahat ng translation ng Bibliya ngayon ay ganiyan ang nakasulat. Dahil diyan ay napaghihinuha ko na ikaw ay hindi simpleng kapatid lamang, nag-aaral at nagsasaliksik ka. Katulad ng sinabi mo ang nagsasalita sa Hebreo 1: 10 ay ang Panginoong Diyos mismo at alam na alam mo gaya rin ng sinabi mo (sinipi ko lang kapatid sa tanong mo) walang katulong ang Dios sa paglikha ng lahat ng bagay, pero bakit sa Hebreo 1:10 ay sinabi ng Dios na ang Anak ang lumalang ng lahat ng bagay?
Kaya nga huwag mong dayain kapatid ko ang sarili mo para palitawin na mali ang talata. Sa aminin mo at sa hindi Ikaw lang ang may sabi at hindi sinabi ng Panginoong Diyos na ang Anak ang lumalang. Bagamat pinatungkol sa Kanyang Anak ang ipinahayag hindi nangangahulugan na may kikilalanin pa ang Panginoong Diyos na manlalalang na hihigit pa sa Kanya. Malinaw kasi na sinabi sa talata (sinipi sa talatang binaggit mo) Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at ang Panginoong Jesu-Cristo ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. Narito ang kabuuan ng isang pahina sa
Hebreo 1: 1-14
NAGSALITA ANG DIYOS SA PAMAMAGITAN NG KANYANG ANAK
1 Noong una, nangusap ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. 2 Ngunit nitong mga huling araw, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. 3 Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya’y umupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos doon sa langit.
MAS DAKILA ANG ANAK KAYSA SA MGA ANGHEL
4 Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. 5 Sapagkat kailanma’y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo’y ako na ang iyong Ama.” Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,”Ako’y kanyang magiging Ama, at siya’y aking magiging Anak.” 6 At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.” 7 Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya “Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.” 8 Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan. 9 Katarunga’y iyong mahal, sa masama’y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.” 10 Sinabi pa rin niya, “Panginoon, nang pasimula’y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha ng kalangitan. 11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas, 12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal, at tulad ng damit, sila’y papalitan. Ngunit mananatili ka’t hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo.” 13 Kailanma’y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” 14 Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila’y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga maliligtas
Ipinahintulot na ilakip ang kabuuan ng isang pahina kung saan naroon ang talata na pinagmulan ng iyong katanungan upang subukin ang kapatid na Elias Arkanghel ngunit ang buong katotohananan ay hindi ako ang iyong sinusubok kundi ang nag-uutos at nag-uudyok sa akin ng mga Katotohanang ipinapahayag ko dito.
Kaya walang salungatan o kontradiksyon sa mga talata. Iba ang kaukulan ng AMA sa Anak! Iba rin ang pinauupo sa Kanan Ko na ang Panginoong Diyos ang nagpapaupo sa Panginoong Jesu-Cristo. Ang nagko-kontra-kontra ay ang kaisipan ng mga nagtatanong na hindi lang ikaw kundi ang nagpapalagay na may kamalian nga ang talata na binabanggit. Kaya sa panig mo bumangon ang katanungan mo na MAG-ISA LAMANG SIYA NA LUMALANG NG LAHAT NG BAGAY? Na ang ibig sabihin ay walang katulong ang Dios sa paglikha ng lahat ng bagay, pero bakit sa Hebreo 1:10 ay sinabi ng Dios na ang Anak ang lumalang ng lahat ng bagay? Kaya kapatid ko, naroon na rin ang sagot sayong katanungan kaya nasa paraan na lang ng pagpapaliwanag upang huwag magkaroon ng kalituhan sa panig ng mga nagsisipag-aral at mga nagsisipag-suri. Kaya kung may pagkakamali man mahal kong kapatid sa pagsasalin ay maitutuwid ito ng mabuting layunin, taglay ang kaamuan at mahinahong pag-iisip. Kaya nga magagawa lang ito kung nangingibabaw ang pag-ibig at pagmamahal natin sa lahat. Ipinagpapasalamat ko sa PANGINOONG DIYOS at sa ating Panginoong Jesu-Cristo ang pagkakataong ito sapagkat kung hindi man talaga sayo galing ang pag-aalinlangan sa talata at isa ka rin lang sa humahanap ng kasagutan ay idinadalangin ko sa PANGINOONG DIYOS na maging mabuti kang katuwang para manindigan din na maipagmalasakit natin sa kapwa Iglesia ni Cristo man o hindi ang mga Katotohanang ibinabahagi natin dito. At maihatid sila sa loob ng mabuting Kawan sa loob pa rin ng IGLESIA NI CRISTO upang maging mabuting mga Hinirang. Gagawin natin ito para sa lalo pang Kapurihan, Kaluwalhatian at Kadakilaan ng ating PANGINOONG DIYOS at ng ating mahal na Panginoong Jesu-Cristo.
Nagmamahal mong kapatid, – Elias Arkanghel