BAGONG PAHAYAG : JUAN 10:16, ISAIAS 41:4 AT ISAIAS 41:9-10 MABIBIGYAN NA NG BANAL NA KATWIRAN ANG KASAYSAYAN NG MAHAL NA KAPATID NA FELIX Y. MANALO KUNG BAKIT NGA BA IPINAGKATIWALA NIYA KAY KAPATID NA PRUDENCIO VASQUEZ AT SUNDIN NIYA ANG KAGUSTUHAN NG HAPON? SA HABA NG PANAHON DI NAIPAGTANGGOL NG SINUMAN ANG MAHAL NA KAPATID NA FELIX Y. MANALO. NGAYON LANG MAIPAUUNAWA SA LAHAT NG ATING PINAKADAKILANG PANGINOONG DIYOS SA PAMAMAGITAN NG ATING PINAKAMAMAHAL NA PANGINOONG JESU-CRISTO, SA PAMAMATNUBAY NG ESPIRITU NG KATOTOHANAN NA SUMASAAKIN AY MAILALAPAT NA ANG TUGON SA MENSAHE NA NAPAPALOOB SA MGA PANGYAYARI NOON
Ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo ang kinikilala nating Sugong Lider sa mga Huling Araw na ito. Siya ang kinasangkapan ng ating Panginoong Diyos para sa muling pagbabalik ng Iglesia ni Cristo, at ito ay sa bisa ng Hula o Paunang Pahayag ng Kaniyang Pinakamamahal na Anak na isang Propeta ang ating Panginoong Jesu-Cristo.
Juan 10:16 [16] At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.
[ At mayroon akong ibang mga tupa,] : Ang mga tupa na kumakatawan sa mga tao na tatawagin pa lang ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang mga tupa na iba sa mga tupa na naroroon sa Kaniyang pangangalaga noon. Kaya ang mga tupa na binabangit Niya na wala pa sa kulungang yaon ay sa hinaharap pa na panahon na darating.
[ na hindi sa kulungang ito ] : na hindi kabilang sa Kaniyang panahon. Lumipas pa ang napakahabang panahon mula sa kaniyang kapanahunan at sa mga huling araw pa lamang na yugto ng panahon natupad ang Kaniyang Propesiya.
[ sila’y kailangan din namang dalhin ko,] : Siya ay nasa Langit na? Madadala pa rin ba Niya ang mga tupa na Kaniyang kinikilala na pinatutungkulan? At kung madala na ng ating Pinakamamahal na Panginoong Jesu-Cristo natin, ay ano naman ang dapat gawin ng mga tupa para masunod ang Kalooban ng Kaniyang Amang Banal.
[ at kanilang diringgin ang aking tinig; ] : may pakikinig sa Kaniyang Tinig na gagawin ang mga tinawag Niyang mga tupa. Literal bang mga tupa? Hindi mga mahal kong kapatid kundi pawang mga tao na makauunawa sa Kaniyang mga Aral at Katuruan. Literal bang Tinig ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang mapakikinggan pa? Hindi na rin! Sapagkat may mga hihirangin at itatalaga para magturo …
Efeso 4:11-12 MB [11] Siya ang humirang upang ang ilan ay maging apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y mga pastor at guro, [12] upang ihanda ang bayan ng Dios sa mga gawain ng paglilingkod, upang ang katawan ni Cristo ay lumago.
[ at sila’y magiging isang kawan,] : Dahil sa pangangaral ng Sugong Lider na kinasangkapan ng ating Panginoong Diyos sa katauhan ng ating mahal na kapatid na Felix Y. Manalo na pangunahing kinasangkapan sa mga huling araw na nagsa-Tinig sa mga Aral at Kautusan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. At sa tulong ng kaniyang mga pangunahing mga katuwang, ang Iglesia ni Cristo ay lumago ng lumago.
[ at magkakaroon ng isang pastor. ] : Dahil iisa lang ang Kawan at ito ang Iglesia, Tama lang na iisa lang din ang Pinaka-Pastor ng mga Pastor ng lahat. Ang Panginoong Jesu-Cristo pa rin ang Siyang mamalagi magpakailan-kailanman na Mabuting Pastor. Siya ang nangalaga at nagmalasakit sa Kaniyang Iglesia noon at Siya pa rin hanggang ngayon sa kasalukuyan ang mangangalaga at magmamalasakit sa Kaniyang Iglesia, at mananatiling magmamalasakit pa rin hanggang sa hinaharap. Oo, ang ating Panginoong Jesu-Cristo lamang ang Mabuting Pastol ng Kawan o Pastor ng Iglesia.
Yan ang Banal na Katwiran ng ating Pinakamamahal na Pinakadakilang Panginoong Diyos na Siya rin ang may Panukala ng lahat ng ito kung kaya naibalik ang Iglesia ni Cristo sa mga Huling Araw. Pinagpahinga man na ng ating Panginoong Diyos ang kapatid na Felix Y. Manalo, gayundin ang kapatid na Erano G. Manalo, ay ipinagpapatuloy ng kapatid na Eduardo V. Manalo ang pagpapastol sa mga tupa para mapangalagaan ang Kawan o ang Iglesia ni Cristo.
Bakit nga pala naging paksa natin ngayon ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo? Hindi naman napapanahon. Hindi ba panimulaing aralin na naman natin ito para talakayin ang nauukol sa kaniyang kasaysayan? Pinakamamahal kong mga kapatid mahalagang balikan natin para makarating tayo sa ating paroroonan. Dahil may mali na ikinarga sa kaisipan ng mga kapatid ang kasaysayan ng kaniyang naging buhay na hanggang ngayon ay nagiging palaisipan sa lahat. Alam natin sa panig ng mga kapatid sa loob ng Iglesia ni Cristo ay siya ay Sugong may kahalalan ng ating Panginoong Diyos. Ngunit napapanahon na natin sagutin para mawala na ang anumang agam-agam na nililikha ng mga usap-usapan ng mga kapatid na naniniwala na kwestyunable ang kahalalan ng mahal na kapatid na Felix Y. Manalo dahil sa mga nababasa sa Social Media na gawa lamang ng mga kulang lang din sa pagkaunawa kaya dumating sa kanila ang maling akala at ang Sugong Lider natin ay kanilang ipalagay na naduwag na o natakot na.
Dahil diyan ay pinagmumulan na ng pag-aalinlangan sa kaniyang tunay na kahalalan. Ang mga paratang na yan hanggang ngayon ay ipinupukol sa kaniya ng mga taong kulang lamang sa pagkaunawa. Ang mga katanungan bumabangon sa kaniyang panahon ay batid ng mga Matatandang Ministro dahil sa circular na nalathala sa Pasugo noong Oktubre 1965, pahina 21 ang nilalaman ng kaniyang naging panulat sa Iglesia noon:
“42 Broadway
Quezon City,
Hunyo 29, 1942
Mga Pinakamamahal kong mga Kapatid:
Sa kasalukuyan, ang kapatid na Prudencio Vasquez ang namamahala sa Iglesia. Ito ang kagustuhan ng hapon. Tayo’y sumunod. Huwag kayong mabalisa sapagkat sila ang mga hapon ang may kapangyarihan sa ating bayan…
Ang inyong kapatid kay Kristo na hindi
natitinag sa pananatili sa Dios at
sa paglilingkod.
(LGD) F. Manalo
FELIX MANALO”
Mga mahal kong kapatid, may mahalaga kayong dapat na malaman sa pangyayari noon. Ano ba ang Mensahe na hindi nauunawaan ng mga nag-aalinlangan? Bakit hindi ito nauunawaan ng nakararami at hinayaan na naging palaisipan sa iba? Ang pang-uupat ay natakot diumano ang kapatid na Felix Y. Manalo sa Hapon kung kaya pinagdidiinan ng mga umuusig na naitatanong ng paulit-ulit kung ang kapatid na Felix Y. Manalo nga ba ang sugo na tuwirang pinatutungkulan sa Propesiya? Ang katanungang ito ay hindi na mamatay-matay sa panig man ng mga kapatid at sa panig man ng mga hindi kapatid sa Iglesia ni Cristo na kung naaayon bang ikapit sa kapatid na Felix Y. Manalo ang Isaias 41:9-10 bilang Sugo?
BAKIT NGA BA IPINAGKATIWALA NG KAPATID NA FELIX Y. MANALO ANG IGLESIA KAY KAPATID NA PRUDENCIO VASQUEZ AT SUNDIN NIYA ANG KAGUSTUHAN NG HAPON? NANGANGAHULUGAN BA ITO NG KANIYANG PAGKATAKOT?
Isaias 41:9-10 [9] Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; [10] Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; Oo, aking tutulungan ka; Oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.
Ang mga talata na yan ay napauukol sa kapatid na Felix Y. Manalo para sa kaniyang kahalalan ng ating Panginoong Diyos bilang Sugong Lider sa mga Huling Araw. Subalit kapag nabasa na ang nasa talatang 10 ay bumabangon na ang mga paulit-ulit na pagtatanong na; kung ang kapatid na Felix Y. Manalo nga ba talaga ang sugong binabanggit sa mga talatang yan ay bakit siya natakot? Mga mahal kong kapatid, kaibigan at mga magulang, may makatwirang tugon ang ipinaunawa sa akin ng ating Pinakadakilang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa pamamatnubay ng Espiritu ng Katotohanan na sumasama sa akin upang maihanay ang mga ganitong kaunawaan mula sa Karunungan ng Pinakadakilang Panginoong Diyos. Dahil sa Isaias 41:9-10 ang talatang ipinupuna sa kapatid na Felix Y. Manalo hayaan niyo na basahin pa rin natin ang aklat ng Isaias 41 itataas lang natin ng talatang 4, ganito ang ating mababasa
Isaias 41:4 [4] Sinong nasa likod ng lahat ng ito, Sino ang nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan? Akong si Yahweh na naroon na sa simula pa, Akong Panginoong Diyos na naroon din hanggang sa wakas.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito, : nang kasalukuyang nagaganap noon ang pagpapasya ng kapatid na Felix Y. Manalo na ipagkatiwala ang Iglesia kay kapatid na Prudencio Vasquez, ang ating Pinakamakapangyarihang Panginoong Diyos natin ang naroroon na.
Sino ang nagpapagalaw sa takbo kasaysayan: ang ating Pinakamamahal na Pinakadakila Pinakamakapangyarihang Panginoong Diyos natin ang nagpapagalaw sa takbo ng kaniyang kasaysayan kaya walang sinuman ang makapagbabago. Sinalita Niya nakalakip ang pangako kaya isasagawa Niya Pinanukala Niya kaya papangyarihin Niya ang ayon sa ibig Niya hindi sa ibig ng tao.
Akong si Yahweh na naroon na sa simula pa, : Kaya nang nagpapasimula pa lang ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo, ipinangangaral pa lang niya ang kahalagahan ng pagbabalik ng Iglesia ni Cristo ay naroon na ang Pinakadakilang Panginoong Diyos natin. Namamalagi siyang sinasamahan kaya nagtatagumpay, tinutulungan sa lahat ng kaniyang pagpapasya,hindi siya pinababayaan kaya naman naiingatan. Kaya Kalooban ng ating Panginoong Diyos kung nagpasya man na ipagkatiwala muna ng kapatid na Felix Y. Manalo kay kapatid na Prudencio Vasquez ang pamamahala sa Iglesia dahil yun diumano ang gusto ng hapon. Subalit ang buong Katotohanan ang nananaig doon ang Kalooban ng ating Panginoong Diyos.
Akong Panginoong Diyos na naroon din hanggang sa wakas. : Yan ang buong katotohanan na ang kapatid na Felix Y. Manalo ay sinamahan ng ating Panginoong Diyos. Hanggang saan? Hanggang sa wakas ng kaniyang buhay ang Panginoong Diyos ay naroroon pa rin. Kaya ang pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo sa kaniyang kapanahunan ay kahayagan lang na iningatan siya, hindi siya pinabayaan. Katunayan ang Hula o Propesiya sa kaniya ng ating Panginoong Diyos ay
Isaias 41:9-10 [9] Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil; [10] Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; Oo, aking tutulungan ka; Oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.
Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, : ito ang tiyak na panahon napauukol sa mga wakas ng lupa.
at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka : kahalalan ng kapatid na kapatid na Felix Y. Manalo kung saan-saan siya naparoroon ang udyok ng Banal na Espiritu ang nagpapaunawa sa kaniya.
at hindi kita itinakuwil; ito ang dapat na maunawaan ng lahat. Dahil kasunod nito ang bilin ng ating Panginoong Diyos sa kapatid na Felix Y. Manalo
Huwag kang matakot, : sapagkat mula ng siya ay tawagin ng ating Panginoong Diyos at iwan ang dating relihiyon na kinabibilangan para ituro sa lahat na ang Iglesia ni Cristo ang tunay na may pangakong kaligtasan at ituro rin niya na siya ang sugo na halal ay kakaharapin niya ang iba’t-ibang sekta ng malalaking relihiyon, pati na ang mga matataas na mga lider nito ay uusigin at didigmain siya. Kaya dito napatutungkol ang bilin sa kaniya na “Huwag kang matakot” Bakit ganiyan ang bilin sa kaniya ng ating Panginoong Diyos?
sapagka’t ako’y sumasaiyo; : kaya sino ang laban sa kapatid na Felix Y. Manalo kung mismo ang Panginoong Diyos na ang sumasama sa kaniya? Tanong! Natakot nga ba talaga ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo? Di ba hindi? Kaya mali ang pagkaunawa ng mga umuusig sa ating mahal na kapatid na Felix Y. Manalo kung ang talatang ito ng Isaias 41:9 at 10 ang kanilang pagbabatayan. Katunayan na hindi siya natakot ay nagpatuloy siya sa kaniyang pangangaral at nanindigan na ang Iglesia ni Cristo tanging magiging Daan lamang patungo sa Kaligtasan.
huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; Oo, aking tutulungan ka; Oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran. : ang mga pangako ng ating Panginoong Diyos ang pinanghawakan ng kapatid na Felix Y. Manalo kaya di siya pinanghinaan ng loob dahil inalalayan siya ng Banal na Katwiran ng ating Panginoong Diyos na may pangangako. Kaya yung pag-asa niyang tulong hanggang sa mga pagpapasya at mga pangangasiwa sa Iglesia ay natamo niya pamalagian. Nagtagumpay ang ating mahal na kapatid na Felix Y. Manalo sa tulong ng ating Panginoong Diyos. Hanggang sa siya ay papagpahingahin na ng ating Panginoong Diyos.
Nawa nakatulong sa inyo ang mga Katotohanan na ito upang magbigay linaw sa inyong lahat ang pagpapaunawa sa akin ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo para maipagtanggol ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo kung bakit nakapagpasya siya na ipagkatiwala kay kapatid na Prudencio Vasquez ang Iglesia ni Cristo noon. Hindi siya natakot kundi nahayag ang tulong sa kaniya ng ating Panginoong Diyos para maingatan siya at ang lahat ng mga kakapatid sa panahon ng mga hapon noon. Walang pag-aalinlangan at napatunayan ang mahal na kapatid na Felix Y. Manalo ang sugong pinatutungkulan ng ating Panginoong Diyos sa talata ng Isaias 41:9-10 – Elias Arkanghel Jesu-Cristo S08312020PT1401
